hindi ko siguro dapat isulat ito dito. pero kailangan ko magkwento. dun sa mga nakakaalam at nakakita na kay c, alam niyo naman siguro kung gaano namin kamahal yung bata. gusto ko lang maglabas ng sama ng loob.
nasabi ko na nakatira na si c sa bahay. di ko nasabi kung bakit.
eto ang kwento niya. sana paglaki niya, maintindihan niya kung bakit dito na siya nakatira sa amin.
adopted siya.
akala kasi nung mag-asawang kumupkop sa kanya, di na sila magkakaanak, kaya nung may ipinaalagang bata (sa madaling sabi, ipinamigay) sa kanila, kinuha nila.
2 years old siya nun. di pa marunong magsalita. di marunong kumain ng kendi. di takot sa dilim. umiiyak lang pag gutom. di marunong kumain ng ice cream. di malikot. tahimik.
iniwan kasi siya ng mga magulang niya sa isang tiyahin. e nagbebenta lang sa palengke yung tiyahin niya kaya di naalagaan. kaya naawa lalo. naghanap ang tiyahin ng ibang mag-aaruga.
nung una, masaya silang tatlo. mabait siyang bata. masayahin. guwapo pa. sino ba naman ang hindi matutuwa?
tapos, nalaman nila na buntis pala ang mama niya. natuwa yung papa. pero simula noon, napabayaan na yung bata. magkakaroon na kasi sila ng sarili nilang anak. sarili nilang dugo.
naging mabagal ang progress ni c. pero ok lang kasi bago lahat ang mga nararanasan niya. naintindihan namin yun. medyo bulol pa siyang magsalita. pero napakatalino nung bata. at magaling kumanta. at malambing. pero sa amin lang. kasi kami lang ang nagpapakita ng pagmamahal at pag-aaruga na dapat sa kanya.
habang lumalaki siya, lalong nag-iiba ang pagtingin at pagtrato sa kanya ng mga "magulang" niya. kasi nga, may iba nang bata. parang hindi nila siya anak. pati yung mga katulong, di siya itinuturing na anak nung mag-asawa. tanga kasi sila.
naawa kami kasi mabait siyang bata. pero sa mga mata nila, wala na siyang nagawang tama.
tingin nila sa kanya mahina ang ulo. para hindi na siya kulitin, parang pinabayaan niyang ganun na lang. dati marunong na siyang magbasa. ngayon, ayaw na niyang magbasa. sasabihin na lang niya na di niya alam. para wala nang mahabang kwento. o di kaya para lambingin siguro siya. hindi ko alam.
dumating ang panahon na ayaw na nung "papa" niya na dun siya sa kanila. kasi daw, natututong gumawa ng masama yung nakababatang kapatid. ginagaya daw siya. tangina. ni hindi nga bumabawi yun kapag sinasaktan siya nung mas bata. iiyak na lang siya. dahil hindi napapagalitan yung isa. siya lang ang mali. siya daw ang nakatatanda. siya ang umintindi, kahit sinasaktan siya. di nila naisip na bata din siya.
nung nalaman namin na ayaw na siya dun, nagpasya kami na dito na siya tumira. ayaw nung mama niya, pero nasunod yung papa. dahil sabi niya baka daw lumaking tarantado yung nakababata.
buti na rin siguro. dito, lahat ng tao mahal siya. hindi siya pinapabayaan. malinis siya parati at hindi tanga yung mga kasama namin sa bahay. marunong silang mag-alaga ng bata. at marunong din silang maglambing. gaya namin.
sana lang hindi pa huli ang lahat. nakikita ko siyang nalulungkot dahil malayo yung mga kapatid niya. pero wala kaming magagawa. hindi na namin siya ibabalik. tama na ang nagawa sa kanya.
hindi sila masasamang tao. hindi lang siguro sila marunong umintindi. o di kaya madamot sila sa pagmamahal. lalo na sa hindi nila kadugo.
hindi ko alam. basta lahat kami dito nagpasya na lahat ng pagmamahal ay ibibigay. at tuturuan din namin siya kung paano magmahal.
at paglaki niya, sana maunawaan niya kung bakit ang mama at papa niya ay nakatira sa ibang bahay. at dito na siya sa amin.
No comments:
Post a Comment